Iminungkahi ni Senator Robinhood Padilla na mapatawan ng parusang kamatayan ang security personnel na masasangkot sa kaso ng pagpatay.
Sinabi ito ni Padilla sa pagdinig kahapon ng Committee on Public Order sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Naibahagi sa pagdinig na kabilang sa mga sinasabing pumatay kay Degamo noong Marso 4 ay “highly trained” security personnel.
Iginiit ni Padilla na dapat mas mabigat na kaparusahan ang ipataw sa mga tumatalikod sa kanilang mga sinumpaang-tungkulin.
“Malinaw naman po na itong ating mga bayaning sundalo na naligaw ng landas, ito po ay mga nabigyan po ito ng tamang orientation, tamang ideology, tamang pagiisip, na naligaw, hindi ba po dapat mas matindi ang parusa dito Mahal na Tagapangulo, dahil ito nanumpa sa taumbayan na sila magiging tagapagligtas, tagapagtanggol, at ito ay nakagawa ng krimen,” ani Padilla.
Agad din kinuha ni Padilla ang suporta ni Sen. Ronald dela Rosa, ang namumuno sa naturang komite.
Aniya ito ang naisip niyang paraan laban sa mga sinanay ng gobyerno gamit ang pera ng bayan para bigyan proteksyon ang mamamayan ngunit nasasangkot sa mga karumaldumal na krimen.
Sumang-ayon naman sa kanya si dela Rosa at sabi nito nararapat lang ang mabigat na parusa sa mga traydor na security personnel.