74 anyos na lolo at kaniyang asawa, walang tutulugan matapos ang demolisyon sa Tandang Sora, QC

QC Demolition
Kuha ni Jong Manlapaz

Hindi alam ngayon ng mag-asawang Boy Padilla, 74 anyos at ang kaniyang asawa na si Aling Corazon Padilla kung saan magpapapalipas ng gabi, matapos na gibain ang kanilang bahay sa isinagawang demolisyon sa Congressional 2, Apollo St., Brgy. Tandang Sora Quezon City.

Ayon kay Mang Boy, hindi pa nila sigurado kung may pupuntahan sila para pansamantalang lipatan, at nakakalat na ang kanilang mga gamit sa gate ng kanilang kapitbahay.

“Hindi namin alam kung saan kami titira, ngayon lang nangyari sa amin ito sa tanang buhay ko,” ani Mang Boy.

Si Mang Boy ay unang napadpad sa compound nung tanong 1999, at 17 years na silang residente ng Apollo St. Brgy. Tandang Sora.

Maliban sa kanilang mag-asawa ang tangi nilang kasama sa buhay ay ang apat na aso, kaya kilala siya ng kanyang mga kapitbahay bilang Boy Aso.

May isang anak si Mang Boy at Aling Corazon Padilla pero hindi na nila ito kasama sa ngayon.

Umaasa naman si Mang Boy Padilla, na tototohanin ni President elect Rodrigo Duterte ang banta nito na papanagutin si Mayor Herbert Bautista ng Quezon City.

“Nagbigay ng babala si (President-elect Rodrigo) Duterte, na ang mayor daw ng QC ay pulpol, humanda ka mayor sa pag-upo ko,” dagdag pa ni Mang Boy.

Read more...