Evacuation center sa bawat probinsiya, lungsod at bayan iginiit ni Go
By Jan Escosio April 17, 2023 - 12:30 PM
Muling itinutulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpasa ng panukalang-batas para sa pagtatayo ng evacuation centers sa bawat lugar sa bansa.
Ito ay bunsod ng pananalasa ng bagyong Amang sa malaking bahagi ng Luzon.
Katuwiran ni Go na tuwing may kalamidad ay napipilitan ang mga residente na manatili sa mga “makeshift evacuation centers” tulad ng mga paaralan at mga gymnasium pero sa kabila ng ibinibigay nitong proteksyon laban sa panganib na dala ng bagyo ay kulang naman ito sa mga kagamitan.
Naniniwala ang senador na ang pagtatayo ng mga mandatory evacuation centers ay makakatulong para mabawasan ang mga ganitong problema.
Hiniling ng mambabatas ang agad na pagsasabatas sa Senate Bill 193 na layong magtayo ng permanente, ligtas, at kumpleto sa pasilidad na evacuation center sa lahat ng lalawigan, lungsod at bayan sa buong bansa.
Binigyang diin ni Go na napakahalagang natitiyak ang kaligtasan ng mamamayan dahil walang pinipiling oras ang kalamidad at trahedya.
Paliwanag niya ang mga itatayong evacuation center ay kumpleto sa pasilidad – maayos na tulugan, may malinis na tubig, gamot, at iba pang relief goods upang tiyak na maibibigay sa mga evacuees ang nararapat na proteksyon at pangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.