Apat na lugar sa Region 4, gagawing alternatibong fishing sites para sa mga apektado ng Mindoro oil spill

 

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Interior and Local Government na makipag-usap sa local government units para maikasa ang alternatibong fishing grounds sa mga apektadong mangingisda dahil sa oil spill sa Oriental Mindoro.

Ginawa ng Pangulo ang utos matapos magsagawa ng aerial inspection, situation briefing at bisitahin ang mga apektadong residente sa Pola.

Kabilang sa mga alternatibong fishing sites ay sa Regions 4-A at 4-B kasama na ang Mindoro Strait sa Mindoro Oriental; Cuyo Pass sa Batangas; Tablas Strait sa Romblon at Tayabas Bay sa Quezon.

Binubuo ang Calabarzon (Region 4-A) ng mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon habang ang Mimaropa (Region 4-B) ay binubuo ng mga probinsya ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

Tiniyak din ng Pangulo na patuloy na babantayan ng national government sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agriculture (DA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang oil spill.

“DENR will continue to monitor the situation. BFAR will continue to monitor the situation. As soon as maging — ma-clear na, makabalik na tayo sa dating normal, back to the old normal, papunta na sa new normal,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Tuloy din aniya ang clean-up operations ng Philippine Coast Guard.

Sunod aniyang tutukan ng pamahalaan ay ang makarekober naman ang ekonomiya sa mga apektadong lugar.

“The immediate danger, the immediate situation has already been attended to. At kailangan na ngayon ay tama naman ‘yung sinasabi ninyo, take advantage na tayo. Lagyan nga natin ng bagong water system, bagong livelihood na pwedeng gawin,” pahayag ng Pangulo.

“At pagka dumating ang araw na okay na, na pwedeng gamitin ‘yung — pwedeng mangisda, pwede ng bumalik ‘yung mga mangingisda, pero may bagong livelihood na ginagawa,” dagdag ng Pangulo.

 

 

Read more...