Aabutin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago mailalabas ng PNP Crime Laboratory ang resulta sa pagsusuri sa mga nakuhang specimen mula sa mag-asawang namatay dahil umano sa food poisoning sa Las Piñas City.
Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni Police Sr. Supt. Emmanuel Aranas, ang Acting Director ng PNP Crime Lab na nakabase sa Camp Crame.
Ipinaliwanag ni Aranas na marami silang nakuhang specimen mula sa bituka ng mag-asawang Jose Maria Escano at Juliet Escano at ang mga ito aniya ay kanilang isa-isang isasalang sa mga chemical reaction tests.
Bukod pa sa mga ito, ang ‘vomit sample’ ng mag-asawa sa kanilang kotse at ang mga natirang pagkain at inumin na nakuha sa kanilang sasakyan ay isasalang rin sa kaukulang eksaminasyon.
Aniya ang pagsusuri ay isasagawa ng kanilang chemist sa kanilang crime lab sa Southern Police District na nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso.
Nauna nang inihayag ng mga imbestigador na hindi pa tiyak na masasabi kung ang mag-asawa ay namatay dahil sa food poisoning bagama’t base sa paunang resulta ng pagsusuri lumalabas na toxic ingestion ang posibleng sanhi ng kanilang pagkamatay./ Jan Escosio