Nagpahiwatig si suspended Negros Oriental Representative Arnie Teves Jr. (3rd District) na haharap sa pag-iimbestiga ng Senate Committee on Public Order ukol sa pagpatay ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Ronald dela Rosa, nakipag-ugnayan na ang secretary ni Teves sa secretariat ng pinamumunuan niyang komite para sa pagharap ng huli sa pagdinig sa susunod na linggo.
Una nang binanggit ni dela Rosa noong nakaraang linggo na kabilang sa kanilang inimbitahan si Teves at aniya umaasa siya sa pagdalo ng isinasangkot sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
Ilang ulit nang itinanggi ni Teves na may kinalaman siya sa pagpatay kay Degamo at aniya natatakot siyang umuwi dahil sa banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
Ipinatawag ni dela Rosa ang pagdinig para mausisa sa Senado ang sunod-sunod na pagpatay at tangkang pagpatay sa mga halal na opisyal ng gobyerno.