Pinag-aaralan na ng Department of Transportation, pinag-aaralan na ngayon ang paglalagay ng platform screen doors sa mga istasyon ng tren gaya ng ginagawa sa ibang bansa.
Ito ay matapos tumalon ang isang 73 anyos na babae kahapon sa MRT 3 Shaw boulevard station.
Ayon kay DOTR Assistant Secretary Jorjette Aquino, itutuloy ang naturang plano kung kakayanin ang budget.
Sabi ni Aquino, iminungkahi na ang naturang plano noong mga nakaraang administrasyon pero hindi natutuloy dahil sa kakulangan sa budget.
“So sa administrasyong ito, atin pong ibabalik ang pag-pursue sa ganitong rekomendasyon kung kakayanin ng budget. Also, atin pong ini-implement… pinapatuloy po natin ang implementasyon ng pagpu-profile po ng ating mga security personnel sa mga pasahero tungkol doon sa mga—out of the normal na kilos ng mga pasahero. At pinapaalalahanan din po natin ang ating mga personnel sa stations at mga security na paalalahanan—patuloy ang pagpapaalala sa ating mga pasahero na huwag tatawid doon sa yellow line hangga’t hindi pa po fully stopped ang tren pagdating sa ating istasyon,” pahayag ni Aquino.
May ginagawa na aniyang imbestigasyon ang kanilang hanay kaugnay sa nasabing insidente at hinihintay na lamang ang rekomendasyon ng safety at security officers.
Pinag aaralan na rin aniya ng kanilang hanay na patawan ng parusa ang sinumang magdudulot ng pagkaantala sa operasyon at biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
“But sa mga ibang mga klaseng insidente naman po, kung ito po ay talagang nangangailangan at ito ay dapat ma-penalize, atin po nating iniimplementahan,” pahayag ni Aquino.