Ayon sa Public Information Office (PIO) ng Supreme Court, isasagawa ang special enbanc session ganap na alas dos ng hapon mamaya.
Ito ay para pangunahan ang panunumpa ng 1,731 na mga bagong abogado na nakapasa sa pinakamahirap na pagsusulit sa bansa na idinaos sa University of Sto. Tomas (UST) noong apat na araw ng linggo ng November 2015.
Ang mga nasabing bilang ng mga nakapasa ay 26.21 percent ng 6,605 na kumuha ng pagsusulit kung saan 75 percent ang passing grade na itinakda ng korte.
Inilabas ng Supreme Court ang listahan ng mga nakapasa sa 2015 bar exams noong May 3 ng kasalukuyang taon.
Samantala, tig-isang magulang lamang ang papayagan ng Supreme Court para makasama ng anak na mag-oath taking.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng SC, marami kasi ang mga nakapasa sa bar exams ngayon kung kaya nilimitahan ang pagpasok sa PICC.
Ayon kay Te, taong 2011 huling nilimitahan ng SC ang pagpasok sa PICC dahil marami ang bilang ng pumasa.
Madalas aniyang tig-dalawa ang pinapayagang makasama ng manunumpang bagong abugado.