PPA: Bumiyahe sa dagat noong Semana Santa humataw sa 1.62-M
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Higit sa 1.62 milyon ang bumiyahe sa karagatan sa nakalipas na Semana Santa, base sa datos na inilabas ng Philippine Ports Authoriity (PPA).
Ito ay mas mataas ng 24 porsiyento kumpara sa naitalang 1.3 milyon noong Semana Santa ng nakaraang taon.
Simula noong Abril 2, 160, 162 pasahero ang naitala sa mga pantalan sa bansa at noong Miyerkules Santo, humataw ang bilang sa 233,962.
Noong Linggo ng Pagkabuhay, nakapagtala naman ng 216,731 pasahero sa mga pantalan at kahapon, Abril 10 ay may 253,154 ang bumiyahe sa karagatan.
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago, ang pagdami ng bilang ng mga pasahero ay pagpapakita na nagbabalik na ang dami ng mga pasahero sa mga pantalan bago ang tumama ang pandemya noong 2020.
Ayon sa PPA sa pangkalahatan ay maituturing na naging maayos ang sitwasyon at walang naitalang anumang insidente ang lahat ng Port Management Offices.