Sapat ang suplay ng isda ngayong Semana Santa.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources spokesman Nazario Briguera, hindi kapos ang suplay ng galunggong, bangus, at tilapia sa mga palengke.
“Walang dapat ipag-alala ang ating mga kababayan na mangingilin at hindi kakain ng karne ngayong Semana Santa dahil sapat po ang suplay ng isda sa ating fish ports at mga palengke,” pahayag ni Briguera.
Base sa monitoring ng BFAR, nasa P140 hanggang P240 ang kada kilo ng galunggong sa wholesale at retail markets.
Nasa P130 naman kada kilo ang presyo ng imported-frozen galunggong.
Nasa P130 hanggang P160 kada kilo ang bangus habang ang tilapia ay nasa P120 hanggang P150 kada kilo.
Base sa talaan ng Philippine Statistics Authority, nasa 3,119 metrikong tonelada ng fish production ang naitala sa Oriental Mindoro noong 2022.
Sabi ni Briguera maliit ang tsansa na maapektuhan ang produksyon ng isda dahil sa nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro.
“Patuloy po tayong gumagawa ng mga hakbang upang masiguro ang fish sufficiency sa ating bansa. Hangad po namin ang mataimtim at payapang Semana Santa para sa ating lahat ngayong taon,” pahayag ni Briguera.