Tinukoy na ng Palasyo ng Malakanyang ang apat na lugar na pagtatayuan ng dadag na military facilities ng US forces sa bansa.
Base sa napagkasunduan ng Pilipinas at Amerika, itatayo ang apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement sites sa Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.
Ayon sa Presidential Communications Office, dumaan saa masusing inspeksyon at assessment ng Philippine military ang apat na lugar.
Sinabi naman ng Department of National Defense na gagamitin ang apat na karagdagang EDCA sites sa humanitarian at climate-related disasters sa bansa.
Una rito, mayroon ng limang EDCA sites sa bansa. Ito ay ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.