Muling lumutang ang isa na namang video ng dalawang natitirang bihag ng bandidong Abu Sayyaf na nagsusumamo sa pamahalaan na tulungan silang mapalaya sa kamay ng kanilang mga hostage-takers.
Sa video, makikita ang panawagan ng mga hostage na sina Kjartan Sekkingstad, isang Norwegian at Pinay na si Marites Flor na hanapan ng paraan ng Norwegian government at ng Pilipinas para sila’y mailigtas sa nakaambang kamatayan.
Umaasa naman si Flor sa susunod na administrasyon na matutulungan silang makaligtas sa kamay ng bandidong grupo.
Sa panayam ng Inquirer sa tagapagsalita ng Abu Sayyaf na si Abu Raami, nagbanta muli itong pupugutan ang kanilang mga bihag kung hindi maibibigay ang P600 milyong pisong ransom demand para sa buhay ng mga biktima.
Kahapon, nagtungo si Pangulong Benigno Aquino sa Jolo sa lalawigan ng Sulu kung saan inamin nito na muntikan na niyang ideklara ang martial law upang sugpuin ang problema ng Abu Sayyaf.
Gayunman, hindi aniya niya ito itinuloy dahil sa posibilidad na magdulot ito ng mas malaking probela sa halip na solusyon.