Kondisyon sa Mental Hospital hiniling ni Tulfo na imbestigahan sa Senado

By Jan Escosio April 03, 2023 - 06:27 PM

Nais ni Senator Raffy Tulfo na maimbestigahan  sa Senado ang kalagayan ng mga pasilidad ng National Center for Mental Health (NCMH) matapos makatanggap ng mga reklamo ang kanyang tanggapan sa hindi maayos na sitwasyon ng mga pasyente doon.

Kamakailan lang ay nagsagawa ng surprise inspection ang senador sa NCMH at doon niya nakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasyente na bukod sa masangsang na amoy ay nagsisiksikan sa iisang ward ang maraming pasyente. Ang Pavilion 8 o ang Female Ward at ang Pavilion 4 o ang Forensic Ward ang mga binisita ng mambabatas kung saan agad niyang ipinag-utos ang “round the clock'” a pagdisinfect at paglilinis sa pasilidad. Maging ang isang abandonadong pavilion na hindi tinapos ang konstruksyon pero ginastusan na ng mahigit P60 million ay sinilip din ng senador na siyang dahilan noon kung bakit pinaslang ang dating namumuno sa NCMH matapos isiwalat ang katiwalian tungkol dito. Inihain ni Tulfo ang Senate Bill 562 kung saan inaatasan ang Senate Committee on Health na imbestigahan ang kalagayan ng mga pasilidad sa NCMH upang matiyak na makakatanggap ng wastong pangangalaga ang mga pasyente at maresolba ang mga napaulat na katiwalian dito. Tutukuyin din ang ugat ng problema at mga lapses sa operasyon ng NCMH at susuriin din ng husto ang kalidad ng pangangalaga at paggamot na ibinibigay sa mga pasyente.

TAGS: doh, NCMH, tulfo, doh, NCMH, tulfo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.