Sa statement ni Bong Go, Special Assistant ni Duterte na binasa ni incoming PCOO chief Martin Andanar, sinabi nito na magaganap ang inagurasyon ni Duterte sa June 30, sa Malacañang.
Magiging simple aniya ito ngunit magiging makabuluhan tulad ng ipinangako ni Duterte habang ito’y nangangampanya pa.
Paliwanag pa sa mensahe, dahil sa magiging limitado at payak lamang ang okasyon, hindi ito magiging ‘fair’ o patas para kay Robredo dahil sa posibilidad na hindi nito maimbitahan ang lahat ng kanyang mga nais na maging bisita sa okasyon.
Dahil dito, mas makabubuti aniyang magkaroon ng hiwalay na inauguration si robredo upang mapagbigyan nito ang lahat ng kanyang mga nais na maging panauhin na dumalo sa naturang okasyon.
Pasado-alas dose na ng hatinggabi nang matapos ang pakikipag-usap ni Duterte sa kanyang magiging Gabinete sa PICC kanina.
Matapos ang limang oras na pagpupulong, agad ding umalis sa llugar at hindi na nagpa-unlak ng panayam sa media ang susunod na Pangulo ng bansa.