Pagcor hinikayat ni Gatchalian na kasuhan ang mga opisyal na sangkot sa POGOs’ audit contract
Hinamon ni Senator Sherwin Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na kasuhan ang mga opisyal ng ahensiya na sangkot sa multi-billion pesos auditing contract kaugany sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Kailangang panagutin ang mga opisyal at empleyado ng Pagcor na naging pabaya o kaya’y nakipagsabwatan sa Global ComRCI na dahilan kung bakit sa kanila napunta ang kontrata kahit na malinaw na hindi sila kwalipikado,” ani Gatchalian.
Ginawa ni Gatchalian ang hamon kasunod na rin ng pagtalikod ng Pagcor sa 10-year P6-billion contract sa Global ComRCI dahil sa mga paglabag sa batas at hindi pagsunod sa mga obligasyon.
Nabunyag ang mga iregularidad na bumabalot sa kontrata sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Gatchalian.
“Dapat nating habulin para masampahan ng kaso ang mga opisyal at empleyado sa gobyerno na gumagawa ng mga katiwalian para masawata ang mga ganitong gawain,” dagdag pa ni Gatchalian.
Paliwanag niya ang pagsusumite ng mga pekeng dokumento ay matinding basehan na para ipawalang-bisa ang kontrata.
Sinabi na rin ng Pagcor na inendorso na nila ang ginawang hakbang sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa Global ComRCI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.