Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) tna masusing pag-aaralan ang plano na muling magkaroon ng “exploratory talks” ang Pilipinas sa China.
Ayon kay Tolentino, dapat ay ikunsidera ng DFA ang 2016 Hague Arbitral ruling gayundin ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpalwalang bisa at idineklarang labag sa 1987 Constitution ang 2005 Tripartite Agreement for Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) bago makipag-usap muli sa China.
“Dapat po siguro yung pakikipag-usap o gagawing pakikipag-usap sa People’s Republic of China ng DFA, eh isaalang-alang itong desisyon ng Supreme Court… at isaalang-alang din yung nilalaman ng ating Saligang Batas base po sa ating karapatan sa ating exclusive economic zone,” ayon sa vice-chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Magugunita na sa 2016 Arbitral Ruling, ibinasura ang ” nine-dash line’ claim,” na pinagbabasehan ng pagpapalawak ng China ng presensiya ng kanilang militar sa inaagkin nilang bahagi ng West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Tolentino, sa pakikipag-usap sa China dapat ay ikunsidera ang mga probisyon sa Konstitusyon ng bansa bago pa magkaroon ng “research and exploration” sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“So dalawa po iyan, hindi lang dapat po sila makipag-usap, mag-prepare kung ano yung gagawin. So, dapat po lahat ito kargo nila ‘yung pag protekta sa ating exclusive economic zone, 200 nautical miles from the baseline, at yung desisyon ng Korte Suprema. Baka lalong dumami (‘yung mga barko ng China sa WPS) kasi sasabihin nilang mayroon kaming karapatan ngayon na mag-drill, mag-conduct ng scientific marine research—eh baka iyon ang gawin, kaya siguro doon ang dapat ay mag-dahan-dahan ang ating Department of Foreign Affairs… baka lalong lumawig pa, maabuso, at lalo pong dumami yung kanilang presensya doon,” diin ng senador.