Bumaba ng 16 percent ang index crime sa bansa sa unang tatlong buwan ng taong 2023 kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, nasa 7,865 index crimes ang naiulat mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2023 na mas mababa kumpara sa naitala sa kaparehas na mga buwan noong 2022 na 9,375 na mga insidente ng krimen.
Dahil dito, hinikayat ni Abalos ang Philippine National Police (PNP) na ipagpatuloy ang tagumpay sa paglaban sa kriminalidad.
“I commend the whole PNP force under the able leadership of PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. for persistently working to fight crimes and their perpetrators in fulfillment of their sworn duty to protect the people and the country. The challenge now is to be steady and consistent against index crimes,” pahayag ni Abalos.
“Hindi po matatawaran ang inyong dedikasyon sa pagganap ng inyong tungkulin para pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan. And now, we are reaping the fruits of your labor. Sana po ay magtuloy-tuloy ito,” dagdag ni Abalos.
Ilan sa mga kabilang sa index crimes ayon sa PNP ang pagpatay o murder, homicide, physical injury, panggagahasa, pagnanakaw, kasama din ang pagnanakaw ng motorsiklo at mga sasakyan.
Ayon kay Abalos, batay sa pinakahuling datos ng PNP, bumaba ng 41.46 percent ang kaso ng carnapping (motor vehicle) mula 82 hanggang 48; 32.94 percent mula 1,339 sa 898 na kaso ng physical injury; panggagahasa ng 29.33 percent mula 2,254 sa 1,593; at carnapping (motorcycle) ng 10.20 percent mula 441 ay naging 396. Bumaba din ang kaso ng theft sa 2,647; robbery sa 1,080; murder sa 920; at homicide sa 229.
“Ito ay patunay na hindi tumitigil ang ating kapulisan sa pagtupad ng kanilang mga sinumpaang tungkulin na labanan ang anumang karahasan sa ating bansa. This is a testament of the PNP’s commitment to the people,” ayon kay Abalos.
Kabilang aniya sa mga dahilan nang pagbaba ng index crimes ang pagpapaigting ng police visibility sa bansa lalo na sa mga lugar na madalas pangyarihan ng krimen at kampanya laban sa loose firearms kung saan 1,993 na ang nadakip habang 6,726 na armas na ang nasabat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.