Mga polisiya sa paglalayag sa dagat nais masilip ni Sen. Joel Villanueva
Maghahain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng resolusyon para masiyasat sa Senado ang mga alituntunin ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) ukol sa pagbiyahe ng mga sasakyang pandagat.
Kasunod ito ng panibagong trahedya sa karagatan sa Basilan, ang pagkakasunog ng M/V Lady Mary Joy 3.
Tatlumput isang pasahero ang naswi bukod pa sa higit 20 na nasugatan at pitong nawawala.
Paniwala ni Villanueva hindi sana nangyari ang trahedya kung naging masigasig lamang ang may-ari ng barko, mga crew, ang PCG at MARINA sa pagtiyak ng ligtas na pagbiyahe.
Aniya, ang nangyaring insidenteng ito ay nagpapanumbalik lang sa mga ala-ala ng kapabayaan at problema sa korapsyon pagdating sa pagpapatupad ng kaligtasan sa mga barko kaya ang mga pampasaherong barko na ito ay tila nagsisilbi na lamang ‘floating coffins’.
Sinabi ni Villanueva na ipasisilip niya kung nakasusunod ba ang mga kinauukulang ahensiya ang pagpapatupad ng rules at guidelines ukol sa seaworthiness, safety requirements at manning compliance ng mga barko.
Aalamin din kung tinitiyak ba ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtalima ng mga barko sa Occupational Safety and Health Standards Act at kung ilang beses ginagawa ang pag-i-inspeksyon sa mga domestic shipping vessels alinsunod na rin sa labor standards.
Bagamat may hiwalay na imbestigasyong ginagawa ang PCG at MARINA, iginiit ni Villanueva na mainam na may pagsisiyasat din ang Senado lalo’t ang mga nabanggit na ahensya ang nasasangkot sa posibleng kapabayaan sa mga naganap na trahedya sa karagatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.