Ginawaran ni Pangulong Marcos Jr. ang digital influencer Filipino-American na si Vanessa Anne Hudgens bilang Global Tourism Ambassador sa Malakanyang.
Magiging bahagi na ngayon ng pamahalaan si Hudgens sa pagtataguyod ng turismo ng Pilipinas sa buong mundo.
Sabi ng Pangulo kay Hudgens, isa ang Palasyo ng Malakanyang na saksi sa mayaman sa kasaysayan ng PIlipinas
“Beyond that, it has a lot of history for me. I lived here 20 years and now I’ve come back to live here again,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pinili ng Office of the Presidential Adviser on Creative Arts (OPACC) at Department of Tourism si Hudgens bilang Global Tourism Ambassador dahil sa 49 milyong follower sa Instagram, 6.5 milyong follower sa Twitter, 17 milyong follower sa Twitter at 239,000 na subscriber sa YouTube.
Bahagi ito ng branding campaign at marketing strategy para makaakit ng dayuhang turista.
Bilang digital influencer, magiging bahagi na si Hudgens ng mga inisyatibo sa pagtataguyod sa turismo ng Pilipinas para maabot ang mas malawak na global audience.
Target ng OPACC at DOT na makapag-produce ng documentary project kung saan ibibida ang pag-uwi ni Hudgens sa bansa pati na ang makasaysayang Intramuros, National Museum at El Nido sa Palawan.
Nag-umpisa si Hudgens sa pelikulang Thirteen noong 2003 at tuluyang sumikat bilang Gabriella Montez sa High School Musical film series mula 2006-2008.
Naging co-producer din si Hudgens sa mga pelikulang The Knight Before Christmas (2019) at The Princess Switch (2018, 2020, 2021).
Saksi sa awarding ang ilang opisyal ng pamahalaan kabilang na sina Presidential Adviser on Creative Communications Paul Soriano at Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco.
Kasama naman ni Hudgens ang kanyang ina na si Gina na tubong Ozamiz City at kapatid na si Stella.