LGUs hinikayat ni Sen. Win Gatchalian na manindigan sa POGOs

By Jan Escosio March 29, 2023 - 07:36 AM

Hinikayat  ni Senator  Sherwin Gatchalian ang mga local government units (LGUs), kung saan may operasyon ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na manindigan sa epekto ng industriya.

Ipinatutukoy ni Gatchalian sa mga  lokal na pamahalaan na tukuyin ang implikasyon ng POGO operations.

“Responsibilidad ng alkalde at ng local chief of police ang nangyayaring krimen sa kanilang nasasakupan. Kaya, nagiging lokal na isyu na ito at problema ng komunidad,” ani Gatchalian.

Pagbabahagi niya, ang Pasig City ay may ordinansa na nagbabawal sa POGO dahil sa mga perwisyong idinulot sa komunidad kumpara sa mga benepisyo at ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ay tutularan ito.

“Ang dapat nating pagsikapan ay ang isang mapayapa at maayos na lipunan, isang bansa kung saan maaari nating anyayahan ang mga mamumuhunan, turista, at mga kaibigang banyaga. Hindi sila pupunta dito kung nabasa nila sa mga report na may mga krimeng nagaganap,” ayon pa sa namumuno sa Senate Ways and Means Committee.

Binigyang-diin niya na lubhang nang nakakabahala ang mga krimen na iniuugnay sa POGOs.

“Ang mga sindikatong kriminal lamang ang maaaring magsagawa ng pangingidnap at illegal detention na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa ating komunidad. Nakakabahala na baka pati mga alagad ng batas ay makain pa ng sistema at magiging mas mahirap para sa atin kalaunan dahil posibleng makontrol na sila ng mga kriminal na operasyon sa bansa,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Gtachalian: “Huwag tayong mang-akit ng mga investor na nagdadala lamang ng krimen. Parang kumakapit tayo sa patalim. May mga lehitimo namang mamumuhunan na maaaring magdala ng investments at maglikha ng mga trabaho,” aniya. Sinabi pa ng senador na sa kaso ng mga POGO, 90% ng kanilang mga empleyado ay foreign nationals at 10% lamang ang mga Pinoy.Dapat pangalagaan natin ang ating mga kababayan,” giit ng senador.

Nais ni Gatchalian ang agarang pagpapasara sa POGOs.

TAGS: crimes, LGUs, Pasig City, POGOs, crimes, LGUs, Pasig City, POGOs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.