ICC ibinasura ang hirit ng Pilipinas na itigil ang pag-iimbestiga sa ‘war on drugs’ ng Duterte admin
Tinanggihan ng Appeals Chamber ng International Criminal Court’s (ICC) ang apila ng gobyerno ng Pilipinas na itigil na ang pag-iimbestiga sa naging kampaniya ng nagdaang administrasyon laban sa droga.
“The Appeals Chamber rejects the request of the Republic of the Philippines for suspensive effect of the aforementioned decision of Pre-Trial Chamber I,” ang desisyon ng ICC na may petsang Marso 27.
Magugunita na noong Marso 13 umapila ang Office of the Solicitor General na mabaligtad ang desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC noong Enero na ituloy ang pag-iimbestiga sa ikinasang “war on drugs” ni dating Pangulong Duterte.
Kabilang sa kinuwestiyon ni Solicitor General Menardo Guevarra ang hurisdiksyon ng ICC gayung hindi nito miyembro ang Pilipinas.
Sa naging desisyon naman ng ICC, sinabi na nabigo ang Pilipinas na ipaliwanag ang kawalan ng hurisdiksyon.
Hindi rin binigyan ng bigat ang katuwiran ng OSG na ang pag-iimbestiga ay may implikasyon sa mga suspek, testigo at biktima.
Diin pa ng ICC, maari naman ituloy ng Pilipinas ang sariling pag-iimbestiga sa madugong kampaniya kasabay nang pag-iimbestiga ng ICC Pre-Trial Chamber.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.