1.2 milyong pasahero gagamit ng PITX sa Holy Week

Nasa 1.2 milyong pasahero ang inaasahang dadagsa sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Semana Santa.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Jason Salvador, namumuno sa  Corporate Affairs and Government Relations ng PITX, bunga ito ng mahabang bakasyon sa Semana Santa.

Inaasahang dadagsa aniya ang mga pasahero sa katapusan ng Marso at tatagal ng hanggang sa pagtatapos sa Easter Sunday.

Tiyak aniyang sasamantalahin ng publiko ang Semana Santaa para magnilay, magbakasyon  at magpahinga sa ibat ibang probinsya.

Unti-unti na aniyang napupuno ang booking sa mga cashiers lalo na ang mga bumibiyahe patungo sa Bicol region.

Tiniyak naman ni Salvador na handa ang PITX sa pagdagsa ng mga pasahero at sa katunayan, nakipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa Department of Transportation, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Metro Manila Development Authority pati na ang Philippine National Police.

Sabi pa ni Salvador, hindi tulad  noong nakaraang dalawang taon sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19, hindi na hinahanapan ng PITX ng kung ano-anongr requirements ang mga pasahero gaya ng vaccine card at iba pa.

Nakahanda na rin aniya ang Oplan Biyaheng Ayos Semana Santa 2023 kung saan tatlong SSS ang pinaghahandaan –  mga pampublikong sasakyan; security sa loob ng pasilidad; at safety o kaligtasan ng mga pasahero.

Read more...