Roxas dapat parusahan dahil sa SOCE ayon sa UNA

By Chona Yu June 15, 2016 - 05:07 PM

Mar-Roxas
Inquirer file photo

Humihirit ang United Nationalist Alliance (UNA) sa Commission on Elections na patawan na ng kaukulang parusa ang talunang presidential candidate ng Liberal Party na si Mar Roxas.

Ito’y matapos mabigo si Roxas na makapag sumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa itinakdang deadline noong June 8.

Base sa liham ng UNA sa Comelec, iginiit nito na hindi na dapat na pagbigyan si Roxas sa hirit na bigyan pa siya ng palugit para makapaghain ng kanyang SOCE.

Walang nakikitang matibay na rason ang UNA para pagbigyan ang extension na hirit ng dating pambato ng LP.

Malinaw ayon sa partido ni vice President Jejomar Binay na nakasaad sa Comelec resolution 9991 o omnibus rules and regulations na kinakailangan na magsumite ang lahat ng kandidato ng kani-kanilang SOCE bago o sa mismong itinakdang petsa na  June 8.

Malinaw din na nakasaad sa resolusyon ng poll body na final at non extendible ang itinakdang deadline noong June 8.

Sa limang presidential candidates, tanging si Roxas na lamang ang hindi pa nakapagsusumite ng SOCE.

Top spender sa mga presidential aspirants si Senador Grace Poe na gumastos ng P510 Million, pumangalawa si Vice President Jejomar Binay na gumastos ng P463 Million samantalang  P371 Million naman ang idineklara ni incoming President Rodrigo Duterte.

TAGS: comelec, liberal party, roxas, SOCE, UNA, comelec, liberal party, roxas, SOCE, UNA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.