Vargas todo suporta sa mga hakbang ni Pangulong Marcos na pangalagaan ang water resources
By: Chona Yu
- 2 years ago
Sinigundahan ng dating three-term Congressman at kasalukuyang Councilor Alfred Vargas ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lalong paigtingin ang pag-aalaga ng water resources ng bansa kasunod ng inaasahang paghampas ng El Niño ngayong taon.
“Tama ang ating mahal na Pangulo. Wala tayong cohesive plan sa water management. Hindi nagkaka-ugnay ang ating mga regulasyon mula national hanggang local levels. Kahit mayaman tayong mga Pilipino sa water resources, hindi natin nadedevelop at nagagamit ang mga ito nang maayos,” pahayag ni Vargas.
Ayon kay Vargas, mahalaga ang pagpuna ng Pangulong Marcos sa problemang ito at ang pagdeklara ng isang “water crisis.”
Dahil sa pahayag ng Pangulo, nagkaroon ng political will at focus para palitan ang mga outdated na mga patakaran at teknolohiyang hadlang sa epektibong water management.
Base sa datos ng World Health Organization (WHO), isa sa bawat sampung Pilipino ay walang access sa improved water sources. Mahigit 136,000 naman ang namamatay sa acute watery diarrhea kada taon dahil na rin sa hindi malinis na tubig. Ito ay lumalala tuwing El Niño dahil sa mababang water supply.
“Pinapahalagahan ng ating Pangulo ang karapatan ng bawat isang magkaroon ng access sa malinis na tubig. Ang tubig ay buhay. Tama ang isinusulong na whole-of-nation approach sa use, conservation, at distribution ng likas na yamang ito,” sabi ni Vargas.
Inanunsyo rin ng Pangulong Marcos Jr. ang pagtatayo ng isang Water Management Office para pag-isahin ang mga mandato ng iba’t ibang ahensya at opisina sa gobyerno na may kinalaman sa sustainable water supply.
“Magandang hakbang ang ginawa ng Pangulo habang isinasabatas pa ang Department of Water Resources. Full support tayo sa adhikaing ito. Saludo tayo sa sipag ng mahal na Pangulo at bilib din tayo sa sigasig ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pangunahing may-akda ng panukalang National Water Act,” dagdag ni Vargas.
Sa ilalim ng isinusulong na National Water Act, ang Department of Water Resources ang magiging pangunahing ahensyang tututok sa national policy-making, coordination, at management ng lahat ng water resources ng bansa.