Filing ng COC sa Barangay at SK elections ipinagpaliban
Iniurong ng Commission on Elections ang petsa ng filing ng certificate of candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sa halip na sa July 3 hanggang 7, gagawin na lamang ang filing ng COC sa August 28 hanggang September 2.
Paliwanag ni Comelec chairman George Erwin Garcia, ito ay para magkaroon ng patas na labanan ang mga kakandidato sa susunod na eleksyon.
“Subalit na-realize natin mas maaga so, parang ang dating doon lalung-lalo na sa mga hindi naman po, wala namang pera na mga kababayan natin na tatakbo – dapat we have to equalize everything, paano naman iyong mga mayroon talagang kakayanan, unfair naman po doon sa mga tatakbo; at number two po, iyong para ma-prevent natin iyong umiinit na sitwasyon na nagkakaroon ng violence po,” pahayag ni Garcia.
Sabi ni Garcia, kahit naipagpaliban ang paghahain ng COC, hindi pa rin naman maapektuhan ang timetable ng Comelec.
Nakahanda na kasi aniya ang mga kagamitan at nakapag imprinta na ng mga balota.
Katunayan, sinabi ni Garcia na ngayong darating na Abril, mag-iimprinta ang Comelec ng dagdag na 1.6 milyong balota dahil nadagdagan ang mga botante na nagpa-rehistro mula December 12 hanggang January 31.
Sa kabuuan, nasa 66 milyon na balota na ang na-imprinta ng Comelec para sa regular voters at 25 milyon na balota naman para sa SK voters.
Ayon kay Garcia, mano-mano naman ang eleksyon at hindi automated.
“So, tayo po ay handa na; nandito na po ang lahat ng kagamitan at ito po ay dahan-dahan na nating ipapadala sa iba’t ibang parte ng ating bansa, lalo na at uunahin natin iyong mga medyo malalayo dito sa kung saan nanggagaling ang mga election paraphernalia,” pahayag ni Garcia.
Dahil sa August 28 pa magsisimula ang tinatawag na election period, nangangahulugan ito na maari pang maipagpatuloy ang pagbibigay serbisyo sa bayan katulad ng mga social services, public works at iba pa.
May panahon pa aniya ang LGUs na maipagpatuloy ang mga proyekto hanggat hindi sumasapit ang pagsisimula ng election period.
Gayunman, sinabi ni Garcia na maari namang humingi ng exemption sa Comelec ang LGUs kung may nais na tapusin na mga social services at public works projects.
Magsisimula na rin aniya sa August 28 ang pagpapatupad ng election gun ban.
Kaya inagahan ng Comelec ang pagtatakda ng paghahain ng COC para matugunan ang mga nuisance candidates o mga panggulong kandidato at ang mga disqualification cases.
Kasabay nito, sinabi ni Garcia na ginawan na ng paraan ng Comelec na madagdagan ang honoraria ng mga guro na magsisilbing election officers.
Hinahanapan na rin ng paraan ni Garcia sa Commission on Audit na kung maari ay maibigay ng advance ang honoraria sa mgma guro.
Mula sa P4,000 hanggang P6,000 na honoraria, target ng Comelec na itaas ito sa P8,000 hanggang P10,000.
Solusyon din aniya ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na dagdagan ang honoraria ng mga guro dahil hindi naman tax exempted.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.