Immigration Bureau binanatan ni Sen. Bong Revilla sa “offloading issue”

SENATE PRIB PHOTO

Noong nakaraang taon, 32,404 Filipinos ang naging biktima ng “offloading” sa mga eroplano at ito ang lubos na ikinagalit ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

Aniya ang nakadagdag sa kanyang galit ay ang datos na sa nabanggit na bilang, 472 ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang nagsinungaling sa kanilang pagkatao at 10 ang menor-de-edad.

Binanggit pa niya na maging ang kanyang anak, si Rep. Bryan Revilla, ay dalawang beses na na-offload kahit nakapagpaliwanag na sila sa Bureau of Immigration.

Aniya bagamat maganda ang katuwiran ng BI na nagbabantay sila laban sa “human trafficking” mas masahol pa ang solusyon sa problema.

“Sa lagpas 30,000 na inoffload at inabala ng immigration na yan, wala pang 4.2% niyan ang may semblance of basis. Mas nakakagalit, only 1.45% ang sinasabi nilang connected sa human trafficking. Over 95% talagang inabala at pinagastos lang. Ibig sabihin, isa lang sa bawat 20  inoffload nila ang medyo may basis. ‘Di ba kalokohan ‘yan?,” diin ng senador.

Giit niya pagpapakita lamang ito ng uri ng trabaho na ginagawa ng kawanihan.

“Anong nangyayayari sa Bureau of Immigration? Nakakahiya! Hindi ganyang klase ng serbisyo publiko ang dapat natatanggap ng mga tao. Ngayon kasi, para bang all Filipinos are human traffickers unless proven otherwise! Bakit niyo hahanapan ng yearbook? Bakit niyo hahanapan ng graduation photo? Hindi ko maisip para saan. Our people deserve to be treated better, if not fairly. Kaya kung hindi niyo matutuwid iyang di matapos-tapos na kalokohan niyo, mag-resign na lang kayo!”, himutok pa nito.

Nag-ugat ang mga banat na ito ni Revilla sa Immigration Bureau sa viral video sa social media ng isang Filipina na naiwan ng eroplano dahil sa mga walang saysay na mga tanong sa kanya ng isang immigration officer.

Read more...