Muling nag-post ng video message sa kanyang social media account si Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves at siya ay umapila kay Pangulong Marcos Jr., na sila ay magka-usap.
Sa kanyang Facebook video messsage, sinabi ni Teves na nais lang niyang maipaliwanag ang kanyang panig sa mga isyu na kanyang kinasasangkutan.
Nilinaw din ng mambabatas na ang kanyang ipapaliwanag ay walang kinalaman sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo.
“Ewan ko papano, gusto ko sana kayong makausap para maka-explain ako sa inyo,” ani Teves.
Sinabi pa niya: “Again nirerespeto ko kayo ng sobra, sana lang mapagbigyan niyo ako na makapag-usap tayo. Para ma-explain ko naman ang aking side.”
Aniya ipapaliwanag lamang niya sa Punong Ehekutibo ang mga masamang plano laban sa kanya ng aniya ay mga taong gobyerno.
Una na niyang sinabi na ang plano sa kanya ay may kinalaman naman sa online sabong.
Tumanggi si Teves na umuwi ng bansa dahil na rin aniya sa kanyang pangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.
Ngunit sa kanyang huling mensahe, inamin nito na magiging mas mahirap na tanggihan ang panawagan ni Pangulong Marcos Jr., na bumalik na siya ng Pilipinas.