UPDATE!!! 1,000 bahay sa mga pulis, sundalo ibibigay ni PBBM Jr.
Nasa 1,000 housing units ang ipatatayong pabahay ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga pulis at sundalo.
Sa ambush interview sa ika-126 Founding Anniversary ng Philippine Army sa Fort Bonifacio sa Taguig City, sinabi ng Pangulo na mayroong isang property sa Cavite na akma sa housing program para sa mga pulis at sundalo.
“So ang ka-meeting ko kahapon ang Chief of Staff at saka ang Chief PNP kasama natin the Acting SND and their staff at pinag-usapan namin kung papaano ang magiging sistema dahil kailangan naming i-design ‘yung sistema kasi naiba ang sitwasyon, lalo na ‘yung military kaysa sa civilian population,” pahayag ng Pangulo.
Sabi ng Pangulo, ang pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan ay ang magiging Sistema sa financing ng pabahay.
“Ang naging – hindi naman problema ‘yung pagpatayo kung hindi papaano ang magiging financing scheme kasi iba naman ang sitwasyon. For example, the military, how do we handle the transfer of – ‘pag lilipat sila sa ibang lugar, what can they do? Nawawala na lang ‘yung bahay nila. So what’s the financing that we can provide?” pahayag ng Pangulo.
Hindi maikakaila ayon sa Pangulo na marami sa mga pulis at sundalo ang walang maayos na tirahan.
“So ngayon those details are being worked out. But we have to make sure because in – alam naman natin ang dami sa pulis natin ay homeless. Kung saan-saan na lang nakikitira and the truth be told, ‘yung iba squatter talaga at wala na silang matirahan,” dagdag pa nito.
“So we have to remedy that situation. At marami tayong pinapagawa sa kanila. The military is the same thing. We have to help them with their housing because again, I, in my view, it’s – whatever it is that we – whatever efforts we put into this is an investment. It’s not a financial investment. It’s just an investment in the well-being of our uniformed personnel so that ‘yung kanilang serbisyo hindi nila kailangan alalahanin kung saan sila uuwi at saan uuwi ang pamilya nila,” patuloy na pagpapaliwanag ng Punong Ehekutibo.
Target ng Pangulo na magpatayo ng isang milyong bahay kada taon sa loob ng anim na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.