Sugar fiasco 2.0 hiniling ni Hontiveros na silipin ng Senate Blue Ribbon Committee

SENATE PRIB PHOTO

Umaasa si Senator Risa Hontiveros na iimbestigahan na ng Senate Blue Ribbon Committee ang hinihinalang pagpabor sa tatlong sugar importers.

Iginiit ni Hontiveros na lubhang kaduda-duda ang pagkakapili sa All Asian Countertrade, Sucden Philippines Inc., at Edison Lee Marketing Corp., dahil hindi naisapubliko o nalinaw ang pagkakapili sa kanila para mag-angkat ng daang-daang libo ng asukal.

“In the absence of a sugar order, which is already irregular in itself, kahit pa nagkaroon ng sugar order, hindi natin masasabi na tatlo lang at itong tatlo pa ang pinaka-capable na mag-meet sa criteria,” pahayag ni Hontiveros sa Senate media.

Aniya, tila walang natutuhan sa nabunyag na anomalya ukol sa Sugar Order No. 4, na inimbestigahan pa ng Blue Ribbon Committee.

“I feel assured na magkakaroon ng imbestigasyon gaya ng nabanggit ko kanina naniniwala ako na naghahanda si Chair Francis,” sabi pa ni Hontiveros na patukoy kay Sen. Francis Tolentino, ang namumuno sa naturang komite.

Duda rin ang senadora na “in good faith’ ang pagpapalabas ni Agriculture Sr. Usec. Domingo Panganiban ng memorandum order na nag-anunsiyo sa pagkakapili sa tatlong nabanggit na sugar importers.

Sinabi pa ni Hontiveros na “tubong lugaw” ang tatlong importers dahil P25 kada kilo lamang ang halaga ng asukal mula sa Thailand bagamat wala pa dito ang “shipping and storage costs.”

Read more...