China pumalag sa pagtungo ng mga kabataan sa Panatag shoal
Tinawag ng China na paglapastangan sa kanilang soberanya ang huling ginawa ng 15 kabataang Pilipino na sumubok maglagay ng bandila ng Pilipinas sa Scarborough Shoal noong araw ng kalayaan.
Ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Lu Kang, hinihimok nila ang Pilipinas na respetuhan ang “territorial sovereignty” ng China at huwag nang gumawa ng mga mapanubok na hakbang sa Scarborough Shoal na tinatawag nilang “Huangyan Dao.”
Muling iginiit ni Lu ang soberanya ng kanilang bansa sa Scarborough Shoal, at sinabing isa itong “inherent territory” ng China.
Samantala, wala namang nakikitang mali ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ginawa ng Kalayaan Atin Ito movement na sumisimbolo sa paninindigan na iyon ay ating teritoryo.
Ayon kay DFA spokesperson Charles Jose, wala namang problema sa plano ng mga kabataang ito dahil mayroon naman tayong karapatan at hurisdiksyon sa mga teritoryong ito.
Gayunman, iginiit naman ng DFA na ang mas ikinakabahala nila ay ang kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan at sinabing hindi naman nila ito kailangan pang gawin.
Noong June 12, sumubok ang mga Kalayaan Atin Ito movement na magtayo ng bandila ng Pilipinas sa shoal ngunit pinigilan sila ng Chinese Coast Guard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.