Sa patuloy na paghina ng amihan, sinabi ng Pagasa na sa mga susunod na araw ay maaring magsimula na ang panahon ng tag-init.
Sinabi ni weather specialist Benison Estareja na ang simula ng tag-init sa bansa ay maaring magsimula sa susunod na linggo o bago magtapos ang buwan ng Marso.
Sa ngayon aniya ang amihan ay nararamdaman na lamang sa Hilaga at Gitnang Luzon, samantalang papalapit na sa bansa ang mainit at maalinsangan na hangin na magmumula sa Pacific Ocean.
Kasabay nito, ang low pressure area (LPA) na binabantayan ng Pagasa sa silangan ng Visayas ay nalusaw na.
Ayon pa kay Estareja wala pa silang namo-monitor na masamang panahon na papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) hanggang sa Lunes.
Sa pagtataya, maaring may isa na bagyo na pumasok sa PAR ngayon buwan at sa Abril at sa Mayo naman ay maaring may isa o dalawa.