SP Zubiri, Villanueva hinahanap IRR ng mga bagong batas pang-ekonomiya
Ipinalalabas na ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Executive Department ang implementing rules and regulations (IRR) ng mga batas na may kaugnayan sa ekonomiya. Tinukoy ni Villanueva ang Public Services Act, Retail Trade Liberalization Act at Foreign Services Act. Kasabay nito, tiniyak ni Villanueva na buo ang suporta ng Senado sa legislative agenda ng administrasyong-Marcos Jr. lalo na para sa pagtulong sa mga magsasaka, paglikha ng trabaho at sa digital transition ng bansa. Maganda rin na maramdaman ang epekto ng mga landmark laws na ipinasa noong nakaraang Kongreso bago pag-usapan ang Charter change. Kailangan lamang anyang mailabas na sa lalong madaling panahon ang IRR ng Public Services Act upang hindi masayang ang pagsusumikap ng Pangulo na makahikayat ng mga foreign investors sa kanyang mga state visit. Kaugnay nito, kinuwestiyon naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang National Economic Development Authority dahil wala pa ring inilalabas na IRR para sa Public Services Act, Retail Trade Liberalization Act at Foreign Services Act. Sinabi ni Zubiri na solusyon na sana ang mga batas na ito sa iginigiit ng ilang kongresista na restriksyon sa Konstitusyon kaya’t hindi pa rin pumapasok ang mga foreign investment sa bansa. Nagtataka si Zubiri kung bakit halos isang taon na ay hindi pa rin nailalabas ang IRR at sa halip ay patuloy na isinusulong ng mga kongresista ang Charter change.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.