Pagdinig sa panukalang Cha-cha tinapos na ni Sen. Robin Padilla

By Jan Escosio March 17, 2023 - 09:19 AM

Ang public hearing sa Cebu City ang huli na ng Committee on Constitutional Amendments ukol sa panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ito ang sinabi ni Sen. Robinhood Padilla, ang namumuno sa naturang komite matapos ang mga naunang pagdinig sa Davao City at Baguio City.

Aniya posible na sa susunod na linggo ay makikipag-usap na siya sa mga mambabatas mula sa Kamara ukol sa Charter change o Cha-cha.

Sa pagdinig sa Cebu City, iginiit ni Padilla na trabaho niya na isulong ang mga pagdinig sa mga panukala sa kabila ng mga batikos at kritisismo.

Aniya ang nais lamang naman niya ay mapagbuti ang buhay ng lahat ng mga Filipino.

“Kung gusto natin ng pagbabago, mayroon pong paraan. Kailangan lang po nating mamulat. Kailangan po nating magkaisa para iisa ang ating tatahaking daan tungo sa pag-unlad ng ating Inang Bayan. Bilang inyo pong ihinalal ng taong bayan, kami po ay obligado na gawin ito kahit na marami po ang kumukutya sa amin, marami po ang gustong pumigil sa amin. Kailangan naming gawin ito para sa inyo,” ani Padilla.

Inulit lang din ng senador na kailangan na amyendahan ang ‘economic provisions’ ng Saligang Batas para mas maging maluwag sa  Foreign Direct Investments (FDIs).

Pagtitiyak pa niya na hindi siya papayag na may mga isisingit na pag-amyenda sa ibang probisyon at naninindigan siya na ang pag-amyenda ay gagawin sa pamamagitan ng Constitutional Assembly o ‘Con-Ass.’

TAGS: Cha-Cha, hearing, senate, Cha-Cha, hearing, senate

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.