Nasa 20,000 na housing units ang ipagagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Camarines Sur sa pammaagitan ng kanyang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
“Isa po ito sa mga proyekto ng aking administrasyon na nakaangkla sa ating layunin na mabigyan ng komportable, maayos, at disenteng buhay ang lahat ng ating kababayan,” pahayag ni Pangulong Marcos sa groundbreaking ceremonies sa Panganiban Drive sa Naga City. “Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay pangarap ng lahat ng Pilipino na nais magkaroon ng isang lugar kung saan sila makakapagsimula ng bagong kabanata ng kanilang buhay,” dagdag ni Pangulo. Target ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magtayo ng limang residential towers na may 11,880 housing units sa anim na ektarya ng lupa sa Panganiban Drive, sa naturang lungsod. Apat na commercial buildings din ang ipatatayo sa paligid ng residential towers. Sabi ng Pangulo, target ng administrasyon na magpatayo ng isang milyong bahay kada taon o anim na milyong pabahay sa anim na taong panunungkulan. “Lahat ito nais natin paabutin ng anim na milyon na bagong pabahay dahil ‘pag pinag-aaralan natin ang housing sa Pilipinas, ‘yan ang numerong lumalabas na kulang na pabahay para sa ating mga kababayan,” pahayag ng Pangulo. Bukod sa pabahay, magtatayo rin ang pamahalaan ng basic facilities gaya ng eskwelahan, palengke, medical facilities at livelihood infrastructure.MOST READ
LATEST STORIES