Higit sa P43.35 milyong halaga ng mga ayuda ang naipamahagi na ng gobyerno sa mga residente na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Nasa 74 na lugar sa Regions 4-B (Mimaropa) at 6 (Western Visayas) ang nabigyan ng ayuda.
Base sa ulat ni Department of National Defense (DND) Sec, Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Marcos Jr., galing ang ayuda sa Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs).
Sinabi pa ni Galvez na tumatayong chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 31,497 pamilya o 143,713 indibidwal ang naapektuhan ng oil spill sa 122 barangays at 13,654 mangingisda naman ang nawalan ng hanapbuhay.
Samantala, nasa 169 na indibidwal na ang nasugatan at nagkasakit dahil sa oil spill.
Isinailalim na sa state of calamity ang mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, Roxas sa Oriental Mindoro at Caluya sa Antique.
Ayon kay Galvez, nasa 894 sako ng oil contaminated debris at 77.5 drums ng waste for treatment ang nakolekta.
Pinabibilisan ni Pangulong Marcos ang paglilinis sa oil spill para makabalik na sa normal na pamumuhay ang mga apektadong residente.