Naghain na ng apela si Sharapova sa Court of Arbitration for Sport (CAS) para baliktarin ang inilabas na desisyon ng International Tennis Federation na suspendihin siya dahil sa pag-positibo niya sa meldonium noong Australian Open.
Ayon naman sa CAS, pumayag ang magkabilang partido na pabilisin ang proseso ng apela na ito, at dapat makapaglabas na ng desisyon nang hindi lalampas ng July 18.
Ito ay upang mabigyan pa si Sharapova ng sapat na panahon para matiyak ang pagsali niya sa Rio Olympics, sakaling pumabor sa kaniya ang magiging desisyon ng CAS.
Sakaling hindi baliktarin ng CAS ang desisyon ng ITF, tatagal nang hanggang sa January 25, 2018 ang kaniyang ban.
Una naman nang ipinaliwanag ni Sharapova na hindi niya alam na kasama ipinagbabawal na rin ang meldonium ng World Anti-Doping Agency, at ginagamit niya ito mula pa noong 2006 para sa kaniyang heart conditions.