Pagpugot sa hostage, hamon namin kay Duterte-Abu Sayyaf

 

Inquirer file photo

Ang pagpugot sa ulo sa Canadian hostage na si Robert Hall ay ang paraan ng Abu Sayyaf para ipahiya ang susunod na Pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte.

Ito ang isiniwalat sa Inquirer ni Abu Raami, tagapagsalita ng bandidong grupo.

“Para kay Duterte, ang bagong Presidente, ito ay alamin mo kung ano gagawin namin sa Canadian”, mensahe ni Raami sa susunod na Pangulo.

Higit isang oras makalipas ang panayam ng Inquirer, inanunsyo ni Raami na pinugutan na ng ulo ng Abu Sayyaf Group ang Canadian na si Robert Hall matapos mabigo ang grupo na matanggap ang ransom demand na P600 million para mailigtas ito sa kamatayan.

Inalala pa ni Raami na una nang sinabi ni Duterte kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau na sisikapin nitong mailigtas ang iba pang hostage ng Abu Sayyaf matapos pugutan din ng ulo noon ang Canadian na si John Ridsdel.

Gayunman, malinaw aniya na walang nangyari dahil sa kabila ng pangakong ito ni Duterte, ay pinatay pa rin ng kanilang grupo si Hall.

Samantala, iginiit naman ng kampo ni President-elect Duterte na ang kasalukuyang administrasyon pa ni Pangulong Benigno Aquino ang dapat na sumasagot pa sa isyu ng pagpatay ng Abu Sayyaf Group sa kanilang hostage.

Paliwanag ni Atty. Salvador Panelo, tagapagsalita ni Duterte, hindi pa umuupo bilang pangulo si Duterte sa ngayon.

Sakali aniyang si Duterte na ang presidente, makatitiyak aniya ang publiko na hindi nito pababayaan ang anumang uri ng kriminalidad na mamayagpag sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Si Robert Hall ay pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf kung at iniwan ang ulo nito sa gilid ng Jolo Cathedral sa Sulu kamakalawa.

Read more...