11 cold storage facilities ipatatayo ni Pangulong Marcos

Magpapatayo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng 11 karagdagang cold storage facilities sa ibat ibang fish ports sa bansa.

Ito ay para hindi masira ang mga huling isda ng mga mangingisda.

“So we decided that one of the areas that was identified was the spoilage of the fish doon sa hxandling from galing sa bangka, galing sa fishing boat, hanggang sa bagsakan, hanggang sa palengke napakalaki ang nagiging spoilage,” pahayag ng Pangulo.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang.

Dumalo sa pagpupulong ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA),  Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Environment and Natural Resources (DENR), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Cooperative Development Authority.

Ipinatawag ng Pangulo ang pagpupulong para talakayin ang Philippine Fisheries Program at tugunan ang bumabang produksyon ng isda.

“At ang naging solusyon diyan ay maglagay ng cold storage facilities doon sa mga bagsakan ng isda para ma-preserve naman ‘yung isda at hindi natin kailangan itapon ang maraming nasisira, napapanis na isda,” pahayag ng Pangulo.

Base sa ulat ng BFAR, nasa 25 hanggang 40 percent ng mga huling isda ang nasisira dahil sa kawalan ng storage facility gaya ng blast freezer at ice making machines, cold storage warehouse at fish landing sites.

Sabi ng Pangulo, kung maibababa sa 8 hanggang 10 percent ang pagkassira ng mga huling isda, tiyak na hindi na aasa sa pag-aangkat ng isda ang Pilipinas.

“So gumawa kami ng plano, may plano ongoing. Nagtatayo tayo ng cold storage facilities. May expansion sa mga ibang lugar kagaya ng GenSan, ng CDO, mayroon na silang facility at mayroon pang mga ilalagay sa ibang lugar. Altogether 11 areas we will be installing cold storage,” pahayag ng Pangulo.

“Doon sa mga mas maliliit na bagsakan ay mag-provide naman kami ng ice-making machine para naman puwedeng ilagay kaagad sa yelo para tumagal naman na sariwa ‘yung mga isda,” dagdag ng Pangulo.

Target din ng Pangulo na palakasin ang aquaculture sa pamamagitan ng pagpapaganda sa mga fishponds.

“At ang pinakamalaking problema na nakita namin is the provision of credit na binibigyan – may pautang para sa ating mga fishermen para naman meron silang gagamitin, mayroon silang puhunan para pagandahin ang kanilang fishpond,” pahayag ng Pangulo.

“Tapos ‘yung conversion to fish cage na mas malaki ang production kasi ‘pag fish cage. So ‘yung ganyang klaseng teknolohiya kailangan natin ituro at syempre kailangan natin bigyan ng pondo para ‘yung mga bagong gamit, ‘yung mga kailangan na supplies ay may makuha naman ang ating mga fishermen,” dagdag ng Pangulo.

Maging ang mariculture ay target din na palakasin ng Pangulo.

“Mayroon mga iba’t ibang lugar sa Pilipinas na mayroong mga maliliit na operation tungkol diyan. Ngunit sa aking palagay dahil malaki ang market para sa mga – ‘yung garoupa, ‘yung mga siganid, ‘yung mga snapper, ‘yung mamahalin na isda ay pwede pa natin i-export ‘yan kung maganda ang ating sistema,” dagdag ng Pangulo.

 

Read more...