Reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilanggo ang naging hatol ng korte sa isang pulis na sangkot sa pagkamatay sa mga teenagers na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman sa Caloocan City noong 2017.
Ayon sa desisyon ni Navotas Regional Trial Court Branch 287 Judge Romana Lindayag del Rosario, guilty beyond reasonable doubt at 40 taon na pagkabilanggo ang hatol sa dating pulis na si Jefrey Sumbo Perez.
Sina Arnaiz at de Guzman ay dalawa lamang sa mga biktima ng anti-drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Napatunayan ng korte na sinadya ni Perez na patayin ang dalawang teenagers base na rin sa medical findings.
Limang tama ng baril ang tinamo ng binatilyong si Arnaiz habang 28 na saksak namanang tinamo ni de Guzman.
Hindi kwalipikado si Perez ng parole.
Pinagbabayad din si Perez sa mga pamilya ng biktima ng tig P100,000 para sa civil indemnities, P200,000 para sa moral at exemplary damages, at P45,000 para sa actual damages.
Inabswelto naman ng korte ang kapwa akusado ni Perez na si PO1 Ricky Arquilita matapos mamatay sa hepatitis habang nakakulong noong Abril 2019.
Agosto 2017 nang unang maiulat na nawawala ang 19 anyos na si Arnaiz at 14 anyos na si de Guzman. Huli silang nakita sa Cainta, Rizal.
Natagpuan ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue sa Caloocan City habang nakalutang naman ang bangkay ni de Guzman sa isang creek sa Gapan, Nueva ecija noong Setyembre 5.