Sumama na si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga nananawagan kay Negros Oriental Representative Arnie Teves na bumalik na ng Pilipinas at harapin ang mga alegasyon na siya ang nagpapatay kay Governor Roel Degamo.
Sinabi ni Zubiri na kung malakas ang mga ebidensiya laban kay Teves at maglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya, maaring kanselahin ng gobyerno ang kanyang pasaporte.
Kasunod nito aniya ay maaring magpasaklolo ang gobyerno sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) sa paghahanap sa kongresista.
What is important is kaillangan harapin niya po itong mga paratang sa kanya and of course i-counter nya ang mga ebidensya,” sabi pa ni Zubiri.
Diin lang nito, mahalaga na maituro ang lahat ng mga sangkot dahil apat pa lamang ang nasa kustodiya ng awtoridad at diumano, 12 ang sangkot sa krimen.
“At this point in time, they should exert all efforts to find these persons of interest para at least mawalan naman ng takot ang mga kababayan natin dyan sa Negros Oriental,” sabi pa ni Zubiri.
Nasa US si Teves para sa medical procedure at una na rin niyang itinanggi na may kinalaman siya sa pagpatay kay Degamo bagamat aniya inaasahan na niya ang mga ganitong alegasyon kapag may nangyari sa kanyang kalaban sa pulitika.
Kamakailan ay sinalakay na ang ilang bahay ni Teves kung saan nakuha ang ibat-ibang armas.