Produksyon ng isda, delikado dahil sa oil spill sa Oriental Mindoro

By Chona Yu March 11, 2023 - 12:10 PM

 

Maaring maapektuhan ang produksyon ng isda sa una at ikalawang quarter ng taong 2023.

Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), ito ay dahil sa lawak ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Ayon kay Fernando Hicap ng Pamalakaya, tiyak na babagsak ang produksyon ng isda kapag hindi agad nakabalik sa pangingisda ang mga residente.

Base sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa ikalawang quarter ng taong 2022, nakapag-ambag ang Palawan at Oriental Mindoro ng 86.79% at 2.57% sa regional fisheries production.

Nangangahulugan ito ng 59, 895.53 metrikong tonelada ng local fisheries production.

Umabot na sa Palawan ang oil spill.

“Kapag hindi agad nakapanumbalik ang pangingisda dahil sa tuluy-tuloy na pagkalat ng langis, tiyak na babagsak ang produksyon ng isda sa kasalukuyan at sa susunod na kuwarto ng taon. Sa tala ng BFAR ay nasa 13, 000 mangingisda na ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro pa lamang. Sinalanta na rin ang Palawan na mayroong signipikanteng bilang ng mangingisda at ambag sa produksyon ng isda sa bansa,” pahayag ng grupo.

Samantala, sa isla ng Semirara sa bayan ng Caluya, Antique, may mahigit 1, 200 mangingisda ang mahigit isang linggo nang hindi makapalaot, ayon sa ulat ng Save Antique Movement, isang pormasyon ng mga makakalikasan kung saan kabilang ang Pamalakaya-Panay.

Nanawagan ang grupo sa pamahalaan ng masusing paghahanda kasunod ng posibleng epekto ng oil spill sa produksyon ng isda.

Iginiit pa ng grupo na hindi dapat maging solusyon ng gobyerno ang pag-aangkat ng isda para mapunan ang posibleng kakulangan, dahil higit na makakapinsala ito sa lokal na produksyon at mga mangingisda.

Sabi ng Pamalakaya, dapat na bigyan ng suporta na pang-ekonomiya ang mga mangingisdang apektado ng oil spill, habang pinapalakas naman ang kapasidad ng mga maliliit na mangingisda sa ibang lugar para makatugon sa posibleng kakapusan ng mga apektadong probinsya.

 

 

TAGS: news, Oil Spill, Oriental Mindoro, Palawan, pamalakaya, Radyo Inquirer, news, Oil Spill, Oriental Mindoro, Palawan, pamalakaya, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.