Personal na sasagutin ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga tanong at concerns ng mga residente sa lungsod.
Ito ay dahil simula sa Marco 27, ilulunsad na ni Binay ang isang help desk na “Tik-Talk with Mayora Abby.”
Layunin ng programa na bigyan ng boses ang mga taga-Makati at mas mailapit ang mga serbisyo ng lungsod sa mga residente, manggagawa, at nagnenegosyo.
Kumpiyansa si Binay na magiging game-changer ang help desk sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa mga residente.
Ayon kay Binay, tuwing ika-huling Lunes buwan-buwan ay magse-setup ng isang lamesa sa Makatizen Hub na nasa 3rd floor ng SM Makati upang matugunan niya mismo ang concerns ng mga residente mula ala-una ng hapon hanggang alas singko ng hapon.
Sinabi rin ni Binay na maglulunsad ang Makati ng bagong version ng Makatizen App ngayong taon kung saan mas mapapadali ang pag-navigate at pag-access ng iba’t ibang programa at serbisyo ng lungsod.
Matatandaan na noong 2017 ay inilunsad ng Makati, Neo-Converge ICT Solutions, Inc. at Voyager Innovations ang Makatizen App sa ilalim ng public-private partnership.
Gamit ang Makatizen App, maaaring makita ng Makatizens ang mga bagong programa ng lungsod at kung paano magbukas ng negosyo sa lungsod. Maaari rin itong gamitin sa pagre-report ng emergency at community concerns.
Bukod dito, puwede ring magpadala rito ng message sa Facebook at Instagram (@mymakati), Twitter (@Mayora_Abby), at Makati portal (www.makati.gov.ph).