Bagong Philippine Ports Authority Operations Building sa Masbate bukas na
Mas malaki at mas magiging komportable na ang mga pasahero na dadaan sa bagong Port Operations Building (POB) at Transit Shed ng Philippine Ports Authority(PPA) sa Port of Masbate.
Pagbabahagi ni PPA General Manager Jay Santiago, mula sa dating kapasidad na 100 pasahero, maari nang maserbisyuhan sa bagong pasilidad ang higit 500 pasahero.
Aniya malaking ginhawa na naayos at napalaki nila ang POB lalo na ngayon papalapit ang Semana Santa, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero na gagamit ng mga sasakyang-pandagat sa kanilang biyahe.
Ipinagmalaki ni Santiago na ang gusali ay may all-gender comfort rooms, charging stations, mas malaking breasfeeding room at maging prayer room.
“Tiyak na malaking tulong ang bagong POB partikular na tuwing peak season kung kailan umaabot sa halos 5,000 ang daily average passenger traffic sa Port of Masbate habang 700 to 1,000 bawat araw naman tuwing ordinaryong panahon,” ani Santiago.
Nabatid na ang POB sa Port of Masbate ang pangalawa sa pinakamalaki sa Bicol Region at ang una ay ang Port of Matnog sa Sorsogon.
Samantala, bibilis naman ang galaw ng mga kargamento dahil sa automated ang access point ng bagong Transit Shed.
Ikinalugod naman ng lokal na pamahalaan ang bago at modernong pasilidad at ayon pa kay Santiago marami pang mga katulad na proyekto ang isasagawa ng PPA sa ibat-ibang dako ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.