May posibilidad na tumaas ang singil ng Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang mga kustomer ngayon buwan.
Ang karagdagang halaga ng isinusuplay na kuryente ng Meralco ay para makolekta ang may P1.1 bilyon na generation charges, ayon na rin sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa inilabas na pahayag ng ERC, sumulat ang Meralco na karagdagang P0.62 per kilowatt hour ang maari nilang singilin ngayon buwan at sa susunod na buwan.
Nangangahulugan na ang residential customer na nakakakonsumo ng 200 kWh maaring masingil ng karagdagang P1.11 per kWh kung isasama ang singil sa systems loss at ibang buwis.
Katuwiran ng Meralco sa kanilang pagtaas gumamit ng mas mahal na alternatibo ang kanilang power suppliers nang magsara ang SPEX-Malampaya dahil sa scheduled maintenance outage noong Pebrero 4 hanggang 18.
Nabatid na hiniling na rin ng Meralco sa kanilang suppliers na maging ‘installment’ ang paniningil para hindi lubos na maging mabigat sa mga konsyumer.