Extension Bldg. ng isang public school sa Maynila inabandona dahil sa malalaking bitak sa gusali
Nag-aalala ang pamunuan ng Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila sa extension school building na ipinatayo ng Manila City.
Ito ay matapos na unti-unti nang humiwalay ang bagong gusali na ipinatayo ng pamahalaang lungsod ng Maynila noong taong 2010 sa ilalim ni dating Mayor Alfredo Lim, sa lumang gusali na ipinatayo naman noon pang panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Nicanor Duerme, chairman ng disaster committee at guro sa Rosauro Almario Elementary School, noong una ay inakala nila na simpleng bitak lamang ang nakikita nila sa pagitan ng extension building at ng lumang gusali.
Pero noong July 2015, nagpasya silang i-abandona at huwag nang ipagamit sa mga estudyante ang extension building, dahil ang dating lamat ay naging malaking bitak na at tila tumatagilid ang gusali na nagresulta ng unti unting pagbitaw ng pader na nag uugany sa extension building at sa lumang gusali.
Dahil dito, umaapela si Duerme kay Mayor Joseph Estrada na kagyat na bigyan ng tugon ang problema ng gusali, bago pa ito gumuho at may mapahamak pang mga estudyante at madamay ang kalapit na bahay.
Ang extension building na pinatayo ng lokal na pamahalaan ay nagkakahalaga umano ng mahigit P65 milyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.