Matapos kalampagin, pinatuloy sa Malakanyang sina MANIBELA national president Mar Valbuena at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) Chairman Mody Floranda.
Hinarap sila ni Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil at sinabi na ikinatutuwa nila na tinapos na ang planong isang linggong hindi pagpasada ng mga miyembro ng dalawang transport groups.
“Ikinalulugod ng pamahalaan ang naging desiyon ng MANIBELA Transport Group na itigil ang isinasagawang transport strike ngayong linggo, na ipinatupad kaugnay sa kanilang pagtutol sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP),” pahayag ni Garafil.
Sabi pa nito; “Inutusan ng Pangulo ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gamitin ang naging extension ng deadline hanggang December 31, 2023 para sa consolidation, upang muling pag-aralan ang mga probisyon ng Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Ito ay upang siguruhin na naisaalang-alang ang bawat aspeto ng implementasyon ng programa, kabilang ang pagdinig sa mga hinaing ng ating mga driver at operator.”
Bukod dito aniya ay magsasgawa din ang dalawang ahensiya ng malawakang konsultasyon upang tiyakin na mas maging maayos ang pagpapatupad ng PUVMP at mabigyang-diin na ang sentro ng programang ito ay ang mga driver, operator, at komyuter.