Vargas, ikinasa ang pagsasabatas ng libreng bus service ng QC

Isinusulong ni three-term Congressman at kasalukuyang Councilor Alfred Vargas ang pagsasabatas ng libreng bus service program sa Quezon City bilang tugon sa lumalaking pangangailangan ng lungsod sa pampublikong transportasyon. Ayon kay Vargas, naghain siya ng isang panukalang ordinansa sa Sangguniang Panlungsod na palawigin pa ang QCity Bus Service program bilang pagkilala sa magandang pagtanggap ng mga mamamayan sa nasabing programa at sa maayos na pamamalakad nito ng lokal na pamahalaan. “Ang Quezon City ay lungsod ng mga pioneers at trailblazers. Isa ang QCity Bus Service program sa patunay nito. Mithiin ng programang ito na gawing mas maginhawa ang experience ng ating mga pasaherong araw-araw na nagsusumikap, naghahanap-buhay, at nangangarap ng magandang bukas,” saad ni Vargas. Dagdag pa ni Vargas, malaki ang pasasalamat ng libu-libong commuters kay Mayor Joy Belmonte sa pagsusulong nito at hindi siya magugulat kung susunod na rin ang ibang mga lungsod sa programang ito. Sa ilalim ng QCity Bus Service program, libre ang sakay sa mga residente at maging hindi residente ng Quezon City. “Napakarami nating mga kababayan ang nakikinabang sa programang ito. At dahil sa lumalalang isyu sa transportasyon, kabilang na ang transport strike, ay mas lalong kailangan na gawing pangmatagalan ang QCity Bus Service,” pahayag ni Vargas. Sa kanyang panukalang ordinansa na pumasa na sa Committee on Transportation, ginagawang permanente ang bus program ng lungsod na pinapangasiwaan ng Traffic and Transport Management Department. Binibigyang daan din sa ordinansa ang mga probisyon para maging financially sustainable at environmentally responsible ang programa. “Mas mapapabuti pa natin ang programang ito at bukas ang ordinansa sa technological developments at innovations. Nais nating mas marami pang pasahero ang makikinabang sa programang sinimulan ni Mayor Joy sa kasagsagan ng pandemya,” sabi ni Vargas. Ang QCity Bus Service ang unang transportation program na pinamamahalaan ng isang local government. Sa kasalukuyan, ang mga bus ng lungsod ay tumatakbo sa walong ruta at mayroong sinusunod na bus trip schedule at striktong protokol sa pagsakay at pagbaba ng pasahero. “Maraming pag-aaral at mga eksperto ang nagpapatunay sa efficiency ng bus service natin sa Quezon City. Sa ating ordinansa, gagawin nating mas convenient at komportable pa ang pag-biyahe. Ito ay karapatan ng ating mga kababayang kumakayod para sa mga pamilya nila,” dagdag ni Vargas.

Read more...