Magpapalabas ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampublikong sasakyan upang makabiyahe sa mga apektadong lugar sa isasagawang transport strike sa Maro 6 hanggang 12.
Sa ilalim ng Board Resolution No. 06 series of 2023 na inilabas ng LTFRB, inatasan ng ahensya ang lahat ng Regional Directors nito na mag-isyu ng special permit.
Maaaring mag-isyu ng special permit ang LTFRB bilang paghahanda sa anumang sitwasyon na posibleng makaapekto sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko partikular na ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, isa lamang ang paglalabas ng special permit sa mga hakbang na isinagawa ng ahensya upang mapaghandaan ang ikinasang tigil-pasada ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.
“Naglabas ng Board Resolution ang ahensya for the issuance of special permit doon sa mga area na medyo maaapektuhan ng tigil-pasada sa Lunes,” pahayag ni Bolano.
“Lahat ng opisina ng LTFRB sa buong bansa ay nakahanda naman na mag-isyu ng special permit. In fact, mayroon na kaming mga inter-agency meeting na isinagawa noong nakalipas na dalawang araw,” dagdag pa ni Bolano.
Una na ring tiniyak ng LTFRB na nakipag-ugnayan na ito sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na mananatiling ligtas ang lahat ng mga pasahero, driver, operator at maging ang mga grupo na mangunguna sa tigil-pasada.