Master initiator sa pagkamatay ng Adamson student sa hazing, hawak na ng PNP

 

Nasa kostudiya na ngayon ng Philippine National Police ang master initiator na nagsagawa ng hazing sa engineer student ng Adamson University na si John Matthew Salilig.

 

Ayon kay PNP spokesman Colonel Jean Fajardo, sumuko ang master initiator kahapon kay Cavite Governor Jonvic Remulla.

 

Bukod dito, pitong suspek na rin ang sumuko sa mga awtoridad habang pinaghahanap ang siyam na iba pa

 

“Hawak po ng Biñan Police Station iyong pito po doon sa mga suspek, kasama na po iyong sumuko kahapon kay Governor Jonvic Remulla na siyang sinasabing master initiator. Maliban po diyan sa pito na iyan ay nasa kustodiya pa rin po ng Biñan Police iyong tatay po noong isa doon sa mga suspects na kung saan nag-apply po ng search warrant po iyong ating PNP. So, may mga siyam pa po tayong ina-account at large po na mga suspect,” pahayag ni Fajardo.

 

Una nang sumuko sa mga pulis sina Tung Cheng Teng, 22 anyos, Earl Anthony Romero, 21 anyos, Jerome Balot, 22 anyos, Sandro Victorino, 28 anyos, Michael Lambert Ritalde, 31 anyos at Mark Pedrosa, 39 anyos na mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.

 

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law ang master initiator.

 

“Tinatapos na lang po at kinukumpleto iyong mga dokumento po ng Biñan at isasampa po nila anumang oras ngayong araw iyong kaso laban sa kaniya at siya po ang sinasabing master initiator doon sa nangyaring initiation rites po kung saan namatay nga po si John Matthew,” pahayag ni Fajardo.

 

Sinabi pa ni Fajardo na may ginawa na ring forensic examination ang Regional Forensic Unit sa Calabarzon sa narekober na SUV na ginamit ng mga suspek.

 

“Para tingnan po kung may maliliit po tayo na anumang ebidensiya na makakapagbigay po sa atin ng dagdag na ebidensiya dahil lumalabas po, base po doon sa mga statements po ng ilan doon sa mga suspects at mga witnesses ay doon po mismo isinakay doon sa na-recover po na SUV na pag-aari ng isang suspect,” pahayag ni Fajardo.

 

Tiniyak naman ni Fajardo nna bibilisan ng PNP ang imbestigasyon.

 

Tugon ito ni Fajardo sa pahayag ng Commission on Higher Education an bilisan ang imbestigasyon sa kaso ni Salilig.

 

“We want to assure iyong CHED pati na rin po iyong ating mga kababayan at ilang mga mambabatas na hinihimok po ang PNP na tutukan itong kaso na ito at asahan ninyo po na ang PNP po ay gagawin po ang lahat ng makakaya po within its authority and mandate para resolbahin at tapusin po itong kaso na ito,” pahayag ni Fajardo.

 

Base sa autopsy report ng Calabarzon police, namatay si Salilig dahil sa matinding bugbog sa katawan.

 

Natagpuan ang bangkay ni Salilig na nakalibing sa isang bakanteng lote sa Brgy Malagasang, Imus, Cavite.

Read more...