Malaya ang mga operator at driver na sumali o patuloy na pumasada sa Lunes, Marso 6, kasabay ng pagkasa ng isang linggong tigil-pasada.
Ito ang nilinaw ni Mody Floranda, ang national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston).
Ipinaliwanag ni Floranda na ang kilos-protesta ay gagawin para lang maipakita sa sambayanan ang tunay na kalagayan nilang nabubuhay sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Bago ito, umatras na sa pagsali ang grupong ACTO dahil sa mga pangamba sa kaligtasan ng mga driver, gayundin sa pagbawi sa kanilang prangkisa.
Ang grupong Manibela ang unang nang-anunsiyo ng tigil pasada para ipakita ang pagtutol nila sa memo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa konsolidasyon ng mga kooperatiba at prangkisa.
Ang kautusan ay bahagi ng isinusulong na Private Utility Vehicle Modernization Program.